Atlantic Methanol Production Company, LLC, Punta Europa, Malabo, Equatorial Guinea
We decided to stop at around , so at least may time pa kaming maglaro ng tennis, just in case na di umulan.
We really need to play tennis dahil ito lamang ang pinaka-exercise namin. Kung hindi, naku, lalo pang bubundat ang mga tiyan namin dito. Dahil trabaho, kain, tulog lamang ginagawa namin dito. O di ba? Feeling hari...pero yan ang akala mo...
Akala mo lang na madali, dahil halos iilan lamang ang mga bagay na maari mong gawin dito…kain, tulog, trabaho…pero minsan naiisip mo, mukha yatang deprived ang activities mo…mukha yatang di na kasiya-siya ang ginagawa mo sa halos araw-araw na nagdaan.
Saan ka pa…di siyempre sasabihin mo, sige lang, sakripisyo lang...alang-alang sa pamilya mo...
Sila na naghihintay sa iyong bakasyon…sila na naghihintay ng iyong pag-uwi, kasama na rito yaong mga taong kamag-anakan incorporated…
Basta kumita ka lang ng dolyar para sa kanila, okay na, kahit na nga pababa ng pababa ang conversion nito. Dati ay P56, aba ngayon, magkano na lang, P46 na lang. Talo ka…kainis talaga.
Malapit na ang June, malapit na rin ang bakasyon ko…he he he, sarap bumalik sa Pinas…
Makakasama ko na rin yung mga mahal ko sa buhay at siyempre yung taong naghihintay sa aking pag-uwi…(sino kaya iyon?)…secret…
Nanputsa naman o, umulan na naman…paano pa kami makakapag-tennis nito.
Ibig sabihin nito, magkukulong naman ako sa kuwarto at magmukmok.
Ibig sabihin, susukatin ko na naman ang bawat pulgada ng apat na sulok ng kuwarto ko, na baka lang naman na may nabago dito…eh kaso, ganoon pa rin…asa ka pa.
Para ka namang bago ng bago...tanong ng utak mo...
Eh ano pa ang pagbababago diyan sa kuwarto mo…eh parehas lang naman ang laman niyan?…
Oo nga, mag-aanim na taon na nga pala akong nag-tratrabaho dito, pero ano na nga ba ang na-achieved ko?
Ano na nga ba ang mga nangyari sa akin…sa amin ng mga kasamahan ko dito sa malayong lugar mula sa Pinas?
Hmp..minsan nga, ayoko ko ng isipin ang mga ito, dahil talaga naman na nakakalungkot…
Akala lang ng iba na masarap ang kumita ng dolyar…masarap ang feeling na may laman ang bank book mo na sa tuwing mag-wiwidraw ka, abot hanggang tainga ang ngiti sa iyo ng bank manager, dahil sabi nga nila…preferred client ka nila…
Paano naman, sa kada uwi mo sa Pinas, may paabot ka sa kanila ng tsokolate, o dili pagka-minsan naman ay key chain na galing pa sa Paris…hay buhay…
Heto na naman ako, nakahiga sa kamang kapiling ko sa loob ng anim na taon…kamang naging bahagi ng nag-iisang mundo ko…kamang laging naghihintay sa akin sa tuwing pag-uwi ko galing sa trabaho na talagang maasahan mo, dahil siya yaong sumasalubong sa akin at waring nag-aanyaya at para ako’y kanyang yakapin. At bawat dantay ng kamang ito sa aking katawan, talaga namang pumapawi ng aking pagod…
Paglapat pa lang ng aking likod sa kamang ito…para na akong pinaghehele…at waring kay sarap ipikit ng aking mga mata…iunat ang aking mga paa…yakapin ang unan na naging bahagi ng kamang iyon…at huwag kalimutan ang kumot sa siyang saklob ko sa bawat gabing nagdaan…
Hay buhay…feeling senti na naman..
Bakit naman kasi ngayon pa umulan..wala tuloy akong magawa…manood naman ng TV, boring naman, kung hindi MTV, balitang puro Iraq , bird’s flu, at kung anu-ano pa…nakakasawa…
Wala lang, nakatuon lang ang mga mata sa kisame…nag-iisip pero sa totoo lang…wala namang iniisip…
Pinipilit isipin ng isipan ko kung ano pa ba ang dapat kong isipin, pero bakit walang maisip ng isip ko na nagiging dahilan tuloy kung bakit ito nagiging palaisipan sa akin...tanong ko nga eh, dapat ba talagang isipin ko ang hindi naman dapat isipin…
Nabubuwang na talaga ako…
Pabigat ng pabigat ang pakiramdam ng ulo ko, nanakit na ang batok sa pagkakahiga, kaya napilitang tumagilid at isangkalan ang kamay sa ulunan…
Hindi ko namalayan ang pagpatak ng luha sa aking pisngi na kanina ko pa pinipigilan…
Kaya nga ba ayoko nang nagkukulong ako sa kuwartong ito eh…hayan na naman feeling homesick na…
Isang buwan na lang ang hihintayin ko, konti na lang at sa wakas makakabalik na ulit ako sa pamilya ko…
Sa pagtanaw ko sa maliit ng bintana sa kuwartong iyon, nakita ko na lalo pang lumakas ang ulan…
Mabuti na lamang…narito si kamang laging maasahan…
Mabuti na lamang, narito rin si unan na aking yakap-yakap…
At huwag kalimutan…si kumot na laging naroon…panlaban sa gabing malamig…
Sila ang mga kabigan ko…at ilan pa kayang taon ang pagsasamahan namin…
Ilan pa kayang tag-ulan o maging tag-araw ang bubunuin namin sa pagkita ng dolyar…
Ilan pa kaya…ahh…bahala na si Batman...pati na rin si Superman…
Trabaho pa ng trabaho hanggang kaya pa…hindi para sa sarili…isipin na lang na para sa pamilya…
Trabaho pa ng trabaho hanggang kailangan pa, basta narito ang pagkakataon na mabigyan mo ng magandang bukas ang mga mahal mo sa buhay…
Sige lang, trabaho pa ng trabaho hanggang nariyan sila…sina kama, u nan at kumot.
- Originally written dated March 2006.
No comments:
Post a Comment