Bago ko pa naman mapanood ang pelikulang Milan, alam ko na, na sapol ang aking puso't isipan, pati na ang aking kaluluwa. Bulleyes...ika nga. Isang paraan ng paglalahad kung ano at kung sino ang mga OFW. Ikaw ba ay isa sa mga ito?
Yun bang ang tema kung paano kang mag-isa na malayo sa mga mahal mo sa buhay…
Meron ka ngang kasama’t kaibigan sa bansang kung nasaan ka, pero iba pa rin talaga kung nandiyan ka lang sa Pinas, kasama mo ang pamilya mo’t kaibigan…..
Sadyang mahirap ang buhay-OFW, sana nga ay maintindihan naman ito ng mga ibang tao…mga tao na tulad ng mga ka-pamilya ko, mga kaibigan at ibang kababayan na rin natin…siyempre pa, ng tulad mo.
Paano nga, eh di nila nakikita kung paano ang buhay namin dito…
Kung paano ka umiyak sa gabi na wala namang kadahilanan…
Yun bang nakahiga ka sa kama mo, hawak ang litrato ng asawa’t anak mo o dili kaya’y yaong mga magulang at kapatid mo…
Tapos, di mo namamalayan, tumutulo na pala ang luha mo at pagka-minsa’y napapahagulgol ka pa.
Buhay OFW…
At saka, kung paano mo ma-miss ang mga lutuing pinoy…lalo na ang tuyo na may kamatis, adobo, kare-kare, bagoong…isipin mo pa lang, talagang gugutumin ka na…kaya nga ako, pag nasa Pinas ako, mas gusto ko pa ng kumain ng tuyo, kaysa sa steak na iyan…
Buhay OFW…
Saka naiisip ba nila na kung paano ka kumayod sa araw araw, para lamang may maipadala ka sa pamilya mo…
Kung paano mo isipin kung ano pang raket ang dapat mong pasukin para madagdagan lang ang kita mo…nandiyan yung magtinda ka phone cards, pati na rin cellphones, papasukin mo rin talaga…
Sayang kasi ang kita, pandagdag din sa pabango ng mahal mo na bibilhin mo pa sa DutyFree…
Saka kung paano mo maramdaman na sa kabila ng text at email at pagtawag sa telepono, bakit nangungulila ka pa rin sa mga mahal mo sa buhay…
Bakit kasi di pa magkasya sa konting text at konting email, eh…
Eh di naman kasi, iba pa rin yung naririnig mo ang boses nila…
Buhay OFW talaga…
Kung paano mo maramdaman na masarap nga pala ang may minamahal at ika’y minamahal…
Doon mo malalaman kung gaano kahalaga at ang maramdaman mo, dito sa iyong puso, na may nagmamahal sa iyo…yun bang may nag-aalala sa iyo…may nag-iisip sa iyo…yun may nagtatanong sa iyo, kung kumusta ka na…kung paano mo ginugol ang araw na nagdaan…
Buhay OFW…feeling homesick…
As in homesick talaga, dahil sa bawat sandali na maramdaman mo ang pangungulila at ang lungkot, naiisip mo na lang na may naghihintay sa iyong pag-uwi…na may sasalubong sa iyong mga yakap at halik…
Sabay abot ng pasalubong sa mga minamahal mo…hindi naman mas importante ang bagay na iyong pasalubong, kundi yung bagay na naisip mo sila.
Ito ay para sa lola mo, ito naman para sa asawa’t anak mo, para sa iyong mga pamangkin…hanggang sa mga kamag-anakan at kaibigan, naisip mo na sila’y pasalubungan, dahil siyempre, ikaw ay isang balik-bayan ika nga.
Ingat ka nga lang, dahil pagka-minsan ay pinag-aawayan pa iyan…o dili kaya’y may tampuhan pa kung sakaling may nakaligtaan ka…
Hay naku, kabayan, buhay OFW…
Sabi nga sa mga dialogues sa movie na ito,
“DITO SA MILAN , MA -L ANG TAO RITO.”
“MA-L? AS IN MALIBOG?”
“HINDI…AS IN MALUNGKOT!”
Totoo.
Kung lungkot ang nararamdaman ng mga OFW na nasa Milan , paano pa kaya dito sa Africa , o sa Saudi o kung saan man…
Na limitado kung saan ka makakapag-libang…malungkot talaga.
At sabi pa,
“MINSAN NGA, INIISIP KO NA SADYA NILANG
PINAPAGOD ANG MGA KATAWAN NILA, PARA
PAGTAKPAN ANG LUNGKOT DITO.”
Totoo.
Tulad ko, minsan ayokong maglagi sa kuwarto ko, dahil sa apat na sulok ng silid na iyon na halos kabisado ko na nga, ay lalo lamang nararamdaman ko ang lungkot.
Kaya mas mabuti pa ang magtrabaho na lang, para pagbalik ko sa silid ko, pagod na ako at matutulog na lang.
At sabi pa..
“MAGPAHINGA KA NAMAN, KUNG ANG DIYOS NGA AY NAGPAHINGA NG ILANG ARAW.”
“EH, PAANO PO, WALA PO SIYANG PINAPADALHAN SA PILIPINAS.”
Totoo.
Mas gusto mo pang isakripyo ang sarili mo, para lamang may maipadala ka sa pamilya kaysa magpahinga.
Ganyan talaga ang mga Pinoy…dahil ganyan ang buhay-pinoy.
Pero minsan nga talaga, nakakapagod ang buhay sa ibang bansa.
Pagod ang isip…pagod sa katawan…pagod sa puso…
Darating at darating ang isang araw na bibigay ka, at mag-iiyak kung bakit nandiyan ka sa lugar na iyon, at silang mahal mo sa buhay ay nandoon sa Pinas.
Sabi nga eh,
“ANO ANG PAKIALAM NINYO? ANO ANG KARATAPAN NINYO?
PAGOD NA PAGOD NA AKO SA INYO…PAGOD NA PAGOD NA AKONG BUHAYIN ANG BUHAY NA PARA SA INYO”.
Bakit mo ba ginagawa ito?
Sadista ka ba?
Maaring yan ang tanong ng utak mo, ngunit ang sagot ng puso mo ay…dahil kailangan ka nila…
Ikaw na siyang inaasahan nila, upang mabigyan sila ng magandang buhay, at higit sa lahat..dahil mahal mo sila…
Bawat OFW, nakakaramdam ng ganito…
Yun bang gusto mo ng sumuko dahil sa pagod…dahil sa pawis na siyang puhunan mo sa pagkita ng dolyar,
Pero maari ba namang sabihing hindi puwede…ayaw mo na…suko ka na?
Paano sila? Paano ang pamilya mo? Hahayaan mo na lang ba na ikaw ay bumalik sa Pinas, para kumita ng pesos?
Ang tanong, sanay pa bang dumantay sa palad mo ang pesos?
Hindi yata…
“KAILANGAN EH…PARATING KAILANGAN EH, DAHIL MARAMING MAY KAILANGAN”.
Kaya ba ang laging nasasa-isip mo bilang isang OFW, eh…
Sige lang, trabaho lang ng trabaho…kayod lang ng kayod…sige pa…sige pa…
Dahil ba, maraming umaasa sa iyo? Marami ang may nangangailangan sa iyo?
Totoo.
Bakit naman kasi noong nandiyan ka pa sa Pinas, bilang isang ordinaryong manggagawa lamang, kapiranggot lang ang responsibilidad mo sa pamilya mo…
Pero nang nagsimula ka ng kumita ng dolyar…
Aba’y bigla yatang nag sulputan ang mga nagtatagong kamag-anakan mo,
Hanggang sa malayong probinsiya ninyo’y natutunton ka pa.
May reklamo ka ba?
Maramihan ay sasabihing “okay lang, kailangan eh”.
“HINDI KO KAYANG PUNUAN ANG LAHAT NG BAGAY SA BUHAY MO, DAHIL MAY SARILI RIN AKONG MGA BAGAY SA BUHAY KO NA DAPAT PUNUAN”.
Kaya ba sa puso mo’y naroon ang paniniwala na, magmula nang ikaw tumapak ng bansang ito’y, pinasan mo na rin sa iyong balikat.
Ang buhay ng iyong asawa, dahil ikaw ang kanyang kabiyak?
Ang buhay ng iyong mga anak, dahil ikaw ay ama?
Ang buhay ng iyong mga magulang, dahil ikaw ay anak?
Paano ang buhay ng iyong mga pamangkin, dahil ikaw ba ay kanilang tito?
Kaya mo bang punuin ang lahat ng kanilang pangangailangan?
Paano ang sarili mong pangangailangan?
May karapatan ka ba?
“MAHAL MO BA AKO DAHIL KAILANGAN MO AKO? O KAILANGAN MO AKO KAYA MAHAL MO AKO?”
Hindi nga ba’t magka-ugnay ang mga salitang ito?
Sabi nga ng bida sa pelikula eh, “Kailangan kita at mahal kita, yun ang alam kong sagot”…
Pero kung bibigyan mo ng dagdag na pansin, dapat mong makita na hindi sa mga salitang ito ang ibig mong ipakahulugan, kundi yaong intensyon ng mga salitang iyon.
“DAHIL SA BUONG BUHAY KO, LAGI NA LANG AKONG NAG-IISIP PARA SA IBANG TAO, NGAYON, MERON NG ISA NA PARA SA AKIN”.
Mukhang nagiging mapaghanap ka yata ngayon, kaibigan…
Sadya nga bang ganyan ang buhay OFW?
Parang uhaw sa atensyon?...uhaw sa pagkalinga na hinahanap-hanap kaninuman?
Kaya ba hindi natin dapat sisihin yung mga taong nababalitaan natin, na sa kanilang paghahanap ng sariling kaligayahan, ay maari rin palang mahanap sa lugar na iyon.
Kahit na ito’y isang bawal?
Tama bang isipin kung sa personal na kadahilanan?
“ANG TAGAL KITANG HININTAY…ANG TAGAL KITANG HINANAP…PERO BAKIT NGAYONG NANDITO KA NA, PARANG DI NA KITA KILALA”.
Ang buhay nga ng isang OFW, sadyang mahirap.
Naisip mo ba na sa pag-uwi mo sa Pinas, ay matatanong mo sa sarili mo kung kilala ka pa ba ng anak mo?
Noong sanggol pa siya na iyong kalong-kalong ay heto siya’t naglalakad na,
Subalit di mo maramdaman na ikaw ay tinawag na ama.
Kaya nga para sa ating mga OFW, dapat tayong manalangin,
At nawa’y ang Diyos natin, tayo ay patawarin.
Upang sa ating araw-araw na gawain,
Ay magsilbing gabay sa ating mga adhikain.
Bigyan sana tayo ng sapat na lakas,
Upang ang tibay at pag-asa ng ating bukas,
Ay lalaging naroon at manatiling wagas,
Lalo na sa pag-uwi natin sa bansang Pilipinas.
Originally Written dated April 2004
No comments:
Post a Comment